Autobiography - Umpisa ng Buhay ko sa Project 4, Quezon City

Magandang gabi po sa inyong lahat.

Mukhang tuwing weekends lang talaga ako makakapag-blog. May trabaho kasi ako mula Lunes hanggang Biyernes.

Heto, ituloy na natin ang kwento ko...

Project 4, Quezon City - Ang pinakamaaga ko talagang memorya noon (parang as early as 4 years old pa lang ako) ay nasa Project 4. Dalawang street ang naaalala kong tinirhan namin; una ay doon sa Magat Salamat St. at sumunod naman ay doon sa Callejon St.

Magat Salamat St. (noong sobrang bata ko pa...) - Ang unang memoryang naaalala ko rito ay parang mayroon kaming sari-sari store. Medyo malabo sa isip ko yung natatandaan ko pero parang nandoon kami sa loob ng tindahan o kusina yata, tapos ay pinagagalitan ako ni Mommy. 

Tinanong ko kay Daddy ito noong matanda na ako at ang kwento nya ay 2 or 3 years old pa lang ako noon, inutusan daw ako kumuha ni Mommy ng isang bote ng Coke Litro. Eh nabagsak ko raw tapos nabasag yung bote. Nasugatan ako at malapit sa kaliwang bisig. Hanggang ngayon ay nandito pa rin yung peklat ko sa bisig - at recently ko nga lang nalaman kay Daddy na doon pala sa sugat na 'yon nanggaling yung peklat ko. Dagdag pa ni Daddy, imbes raw na yakapin ako ng Mommy ko, ay pinagalitan at pinalo pa raw ako. Tapos nagalit si Daddy sa kaniya. Ito yung peklat na yun, mukhang crescent moon.

Hindi ko alam kung paniniwalaan ko ba si Daddy diyan sa kwento na yan, dahil hanggang ngayon ay bitter pa rin sila sa pagkakahiwalay nila ni Mommy. 

At hindi ko alam kung bakit, pero nung malaman ko yung kwento na yan kay Daddy, nakaramdam ako ng lungkot. Ang nasa isip ko ay bakit parang umpisa pa lang ng buhay ko, nagbabadya nang magiging punong puno ng hirap? O punong puno ng kalungkutan?

May isa pang kwento si Daddy at Kuya Kristian sa akin. May isang beses daw na pinapagsara ako ni Daddy ng gate noong 2 years old pa lang ako, Ang reaksyon ko raw ay para akong maiiyak at umiiling raw ako kay Daddy. Parang takot na takot daw akong magkamali. Nakita raw ako noon ni Kuya Kristian at ang sabi nya sa akin ay noon lang siya nakakita ng batang kakaiba pagdating diyan sa ganyang takot - kumbaga bakit ako matatakot eh pinagsasara lang naman ako ng gate?

At dahil naman diyan sa kwentong 'yan, ay napaisip ako na baka yung ugali kong masyadong takot magkamali at yung sobrang pagka-perfectionist ko raw ay baka maagang maaga pa nag-umpisa. Baka hindi impluwensiya ng mga magulang ko yung ganyan kong ugali. Ewan ko lang, pero kapag iniisip ko yung mga pinagdaanan ko, maaaring hindi nga sa mga magulang ko nag-umpisa ang ganyang ugali pero napalala pa nila. na-aggravate pa nila yung mahina kong kalooban. Parati nila akong nasasabihan noon na balat-sibuyas daw ako - sobrang sensitive ko raw. Maaaring hindi nila alam ang gagawin sa isang batang katulad ko o mas maaari rin namang sobrang mahirap din kasi ang naging kalagayan ng Mommy ko noon. 

Sobrang lasenggo rin kasi ang tatay ko. Kahit hanggang ngayon na senior citizen na ang tatay ko, umiinom pa rin sya, nakakainis nga. Maliban doon sa pinagdaanan ni Mommy sa kanya sa San Andres, ay pinagdaanan din ng Mommy ko na ma-abuso nang dahil lang lasing ang Daddy ko.

May isang nakwento sa akin si Kuya Kristian yata, si Tita Marts o si Mommy yata... na paminsan minsan ay inaabutan nina Tita Marts at Tito Jess na habang pa-hapunan ay lasing na lasing si Daddy. Inaaway daw niya si Mommy dahil hindi niya gusto ang ulam. Kanina pa raw tanghali yun, bakit hindi raw naiba ang ulam. Kulang niya na lang saktan si Mommy kung hindi pa pipigilin ni Tito Jess at sasabihang magpahinga na siya. Batang bata pa raw ako noon. Yung isang kapatid ko, hindi ako sigurado kung baby pa rin nun o kung hindi pa siya pinapanganak.

...sa totoo lang, parang nahihirapan akong i-kwento itong experience ko sa Project 4. Hindi ko matuloy tuloy yung pagku-kwento. Parang gusto ko na lang ituloy bukas. Hindi rin kasi maganda ang pakiramdam ko ngayon. Tutuloy ko na lang ito ha...

Salamat ng maraming marami sa inyo.

Comments

Popular posts from this blog

Ano Kayang Ilalaman ko Rito sa Blog na Ito?

Autobiography - Early Life - Part 1