Autobiography - Early Life - Part 1
Siguro kung magbibigay ako ng paglalarawan sa unang parte ng buhay ko - magulo at laging palipat lipat. Marami kasi akong lugar na tinirahan - mula Maynila hanggang Cavite (iisa-isahin natin yan). Hindi pa naman ako umaabot sa ibang bahagi ng Pilipinas gaya ng Visayas at Mindanao. Wala rin kasi sa isip yan ng mga magulang ko noon. Ngayon, sinusubukan kong isama na rin ang ibang parte ng Luzon, Visayas at Mindanao sa mga pagpipilian kong lugar kapag nagtitingin tingin ako ng trabaho sa LinkedIn at Indeed. Marami na rin kasing magagandang oportunidad doon sa ibang bahagi ng Pilipinas at mas mataas pa ang sahod.
Anyway, baka lumayo na tayo sa paksa. Ipe-presenta ko na lang ang blog na'toh base sa lugar. Parang mas okay yun.
Maynila (Sta. Ana at San Andres) - Sa Sta. Ana, Manila ako ipinanganak. Hindi ako sigurado kung sa Trinity Hospital ang kwento ba ni Mommy sakin noon. Pero itatanong ko na lang ulit o titingnan ko sa birth certificate ko para sigurado. Wala raw si Daddy nung ipinanganak ako. Nasa Taiwan siya. Nagtatrabaho bilang musician (pianist). Parehong musician ang Daddy at Mommy ko - Daddy ko piyanista, Mommy ko singer - diyan daw sila nagkakilala at nainlababo raw sila nung may gig daw sila sa Albay. Nakita ko pa yung mga pictures noon - baka ipost ko, baka hindi, ewan lang. :P
May usapan si Mommy at Daddy na dapat daw ang pangalan ko ay Camille. Dahil daw usong uso ang pangalang 'yon noon. Pero pag-uwi raw ni Daddy galing sa Taiwan, nagulat siya nang malaman nyang iba ang pangalan ko. Nung tinanong niya si Mommy, ang sabi ni Mommy ay isinunod ang pangalan ko sa pangalan ni Daddy.
Siguro dahil sa musician sila, o dahil ba 1980s sila nagkakilala eh talagang nagkakaproblema na sila noon sa bawal na gamot. Ang kwento sakin ni Daddy - nagkaroon sya ng problema sa bawal na gamot noon sa Taiwan. Muntik syang maadik at hindi makauwi. Pinilit nya raw talagang ibangon ang sarili nya para makauwi sa amin ni Mommy.
Sa San Andres naman daw kami unang nanirahan noong sanggol pa lang ako hanggang sa mga 2 or 3 years old ako. Doon daw kami sa isang housing complex katabi ng Holy Family church. Marami raw naging karanasan sina Mommy at Daddy noon dahil mga bagong magulang pa lang sila.
Dito yata yung natusok ako ni Mommy ng perdible habang nilalagyan ng lampin. Yung naihi raw ako sa shorts noong 1 or 2 years old ako - tapos pinagalitan daw ako ni Daddy tapos nakatayo lang ako, tumutulo ang ihi, tumutulo ang luha.
Meron ding kwento sa akin ang Daddy ko na iniwan daw ako ni Mommy sa loob ng room/unit nila sa housing para bumili ng mantika yata? Kasi tulog naman daw ako. Eh nung nasa labas sya, nagising daw ako tapos iyak ng iyak. Tinawag daw ng mga kapitbahay si Monsignor Mel, sinira nya raw yung pinto tapos kinuha ako. Pagbalik ni Mommy, pinagalitan daw sya ni Monsi.
Pero dito rin nila na-experience yung kahit wala na silang kapera-pera ibibili pa rin nila ako ng bagong shoes. Wala pa raw silang alam kung paano ba maging isang magulang. Kaya parang ako yung naging praktisan nila. Ganun naman yata talaga kapag panganay.
Hindi ko alam kung tama bang ibahagi ko pa yung mga naging problema ng mga magulang ko nung bagong mag-asawa sila. Kaso kasi ang kwento nila ay kwento rin ng buhay ko. Katulad noong nahuhulihan noon ni Mommy si Daddy na may bawal na gamot sa bulsa nya. At si Mommy ay nahuhuli rin daw ni Daddy na ganun din - gumagamit ng bawal na gamot.
Hindi ko alam at wala namang nakapagbanggit, pero sa palagay ko malaking bagay na doon kami nakatira noon sa housing complex sa tabi ng simbahan. Kasi nagagabayan nina Monsi sina Mommy at Daddy noong kabataan pa lang nila. Doon din kasi nakatira sa San Andres ang pamilya ni Mommy. Kaya sa palagay ko parating nakakabisita sina Mama Lola at Papa Lolo sa amin, pati na rin ang mga kapatid ni Mommy at iba pang kamag-anak. At ganun din naman si Mommy at Daddy sa kanila. Kung hindi nga ako nagkakamali, pati yata ang Tito ko (nakakatandang kapatid ni Mommy) ay doon din nakatira dati sa housing complex kasama namin - ewan... Itatanong ko muna ulit kay Mommy.
Wala ako masyadong kaalam alam tungkol dito sa buhay namin sa San Andres. Naka-asa lang ako sa mga kwento sa akin ng kung sino sino sa pamilya namin. Yung susunod na lugar kung saan kami tumira eh dapat yata ihiwalay ko. Kasi nandoon halos lahat ng memorya ko noong kabataan - sa Project 4, Quezon City.
Comments
Post a Comment